Thursday, October 6, 2016

maya



pagmasdan ang maya
umuuwak sa halip na pumipit
sa paglipad, nadadapa
konting ambon at malulunod na

napapakamot ang mga nagmamasid
sa pagtalikod, pinagtatawanan

at siya di'y humahalaklak
lipad, huni, anumang pagkakamali
buo ang tuwa, lingas ang ngiti

ngayong malaya sa kinagisnan
rehas, bato, santo

nalimutan na ba ang pagkamulat sa hangin


Tuesday, September 13, 2016

ang pagdaloy ng saysay, tula
ang bigat o gaan ng wika
sa katas ng puno maihahambing
minsa’y  matamis, minsa’y nakakalasing
lasang tamis at pait
sa kani-kanilang karanasan nanggagaling

mga naiwang pamana, kaalaman
mga ugat ang umiipon ng unti-unti
mula sa unang pagkamulat,
lupa’t binhi

sa sanga
ilang angaw na dahon ang mata
kinang araw, saksing hapis at saya

at sa buong kagubatan
lahat ay may taglay
tanglad, kasaysayan
balik daan at gabay

at ano ang isang puno
ano ang timbang ng kanyang katas
daloy ng wikang walang dulo
kahit sino mang magkumpas

tanungin tungkol tangi
tiyak ay tutugon
  asim ng suka
  tubang nanghalina
kung paraan lamang, ‘di ko kayang iahon

Thursday, April 28, 2016

Oso III: Matanghari (14.06.04)






marahan nalunod si Matanghari
nakakabighaning kamay, maliwanag at dahan dahang kinampay
kay Tanglao Dagat, paalam at pagbati.
sa buong paglubog, Sayaw.

gabing pagdaloy sa palayan. mga kinatawang kislap,
sa lupa, pag-alwan. sa hangin, paanyaya.
sa bawat gabi, bigo.
mga himig na inaalay sa bingi.

pagsilang ni Matanghari
sa paghahabol kay Tanglao Dagat, haplos ng pag-ibig nagbibigay init.
ang mga hindi masabi, hindi maipahiwatig
(pagkaila ni kambal tala. pagtakwil ni talas hangin)
nakatago sa indak ng isang libong bagwis

uulitin gabi-gabi
tinig, himig ng naghihintay

muling pagsilang ng kalawakan
paggunaw ng daigdig

Wednesday, April 27, 2016

Abo III: Sayaw (13.10.14)



Sa kalaliman ng gabi patuloy ang paglalakbay, sa landas ang punong buwan naging gabay. Hibang ba o nananaginip, sa kalayuan, dalawang linya. Kabila, mga binatang binabayo ang lupa, gamit ang tukod. Kabila, mga dalagang nagwawalis ng hangin. Sa pagkawalay, alaala ng panaginip, sayaw ng bata sa gitna ng bukid. Ilang apak at siya’y umahon, sirenang sa paglitaw nabigyang binti, ang bata’y nakagugulang.

Anong ngalan mo. Abo. Anong ngalan mo. Sayaw. Tugon sa tanong: Ang kasaysayan at aral dati’y dala ng mga awit. Madami sa mga awit ang nawala, kasama ang mga nasabi. Ngayon, ilan ang naghahanap ng indayog ng dating nasa atin. Dito ililimbag ang salita ng awitin. Gayon ang gawain nagwawalis sa gabi, hinahanap ang kumpas ng pag-ani. Gayon din sa kumakabog ng lupa, hinahanap ang hataw ng paggiling. Sa mga ilog, sa lawa, sa dagat, mayroong magdamag nananagwan, hinahanap ang tibok ng himig.

Inabot ni Sinta ang kamay, “halina’t sumayaw,” malungkot na tumanggi, ayaw mauyam ang ‘di naiintindihan. Kinuha ang mga kamay at hinila, “halina’t sumayaw,” malungkot na tumanggi, ang banal ayaw lapastanganin. Bigkas, “di pa nahahanap ang tamang diwa.”

Dalawang kawayang atado, hinila mula sa tungkos at isa’y binigay sa akin. Kubing. Pitik. Ito ang ginamit ng mga ninuno sa pakikipagugnayan sa anitong ibon. Pitik. Dati’y alam natin, kanilang iba’t ibang wika. Pitik. Ito ang naging gabay natin sa paghanap ng daang pauwi. Pitik. Sa paghanap ng diwa, ito'y iyong gamitin. Pikit.

Pitik. Taginting.

Sintang Hari naglaho, muli siyang nakita sa gitna ng palayan. Namulat, hindi siya ang sumasabay sa hangin, ang hangin ang sumasabay sa kanyang sayaw. Mga galaw para sa, kasama ang, mga suwi ng palay na sa kanilang pagsalungat nagpapalakpakan, mga malayong puno- ninunong naghihimok sa pagugoy.  

Pitik. Taginting.

Buwan nagdilim, sutla, puti’t itim, umagos. Dumaloy sa ibabaw ng balat kayumanggi, paypay nagsilbing gabay, alon ng gulugod naglaon. Lupa’y naabot, ang buhok dumaloy sa ilog at batis upang magbigay buhay sa lahat ng luntian, sa anitong ibon, sa mga anak ng kawayan.

Pitik. Taginting.

Mga paa naki-isa sa mayamang lupa, bawat apak, hindi upang lumaban ngunit upang bawat butil ay mahalikan. Ugat na akalang nagbubunyag ng gulang nakitang tanda ng kanyang pakikiisa sa lupa. Dugong dumadaloy sa paa’t binti, sapang nagdadala ng bago’t tumatanggap ng lumang himig sa lupa. Dugong dumadaloy sa kamay at bisig nagdadala’t tumatanggap ng alwang awit sa hangin at buwan.

Pitik. Taginting.

Pagbukas ng mata’y marahan, ilaw ay dahan dahang umagos, banaag o sikat. Nais ko siyang tawagin, nais kong tumakbo’t sumayaw at matutunan ang wika ng hangin at lupa, pagunawa ng huni ng ibon, inumin ang kanyang diwa. Ngunit maaaring malalim ang uhaw, sa akap masakal. Tumalikod at lumayo, nagpapasalamat at sabik. Himig ni Apo at Nanay naulit.

Pikit. Taginting.


Abo II: Apo Oso (13.10.14)

“Tao, po.”

“O, Angelo, ginagawa mo dito? Ano ‘yang bitbit mo?”

“Mano, po, Apo. Dala ko para sa inyo, cake ata.”

“Patiningin, ah, bibingka. Binili mo kay Aleng Ai-ai?”

“Ah, ‘di ko po alam. Nagtitinda din po ba siya ng ube at chocolate soup?”

“Ay, sayang. Hindi, hindi. Huwag na nating banggitin ang kanyang pangalan at pambabastos na ‘yon. Masyadong madami gamit niyang harina, okey lang. Sa susunod, doon ka kay Aleng Ai-ai, pakita ko sa’yo mamaya. Kain tayo.”

Ang aking dala’y pansamantalang sa bangko inilatag. Inutusang kumuha ng dahon ng saging habang tiniklop at iniligpit niya ang kanyang kumot at sapin.

“Mabuti bang kalagayan ng mga tiyahin mo? Bakit pinadala ka dito? Akala ko naglilitrato ka pa, nakabalik ka na pala.”

“Mabuti naman, po, sila. Pinayagan na din akong matulog sa silid ni Kuya Joseph, wala din naman siya, at pumayag na silang sila nalang ang matulog sa sariling silid. Maliit, po, iyong tiheras kaya’t natulog na lang po ako sa pag-pag…”

“Ibig mong sabihin, papag. Tapos?”

“Opo, nagising po ako kaninang umagang masakit, po, ulit ang katawan. Sabi, po, ni Tita, baka daw, po, makatulong kayo. Iyon daw, pong, he-lot, dadasalan o mamasahihen ako?”

“Hilot. Kapwa ganoon ngunit iba din. Sa masahe kasi, dito, ha, ang inaasikaso mo lang ay ang balat at laman, sa ibat ibang pamamaraan, hindi naman maling gawin iyon pero iba ito sa hilot. Ang madalas na kulang dito, iyong pagaasikaso sa diwa, ‘no, iyong katawan nga lang. At sa lahat, gaya ng paggawa ng bibinka ni Aling Ai-ai, dapat talaga hinahaluan ng diwa. Dati, ganyan talaga ang gawain sa lahat, mabagal ngunit may malalim na kahulugan at kabuluhan. Ngayon lahat nagmamadali na nga at madalas iisa lang ang nagiging gawain ng tao, ‘no. Dati datu man, maharlika man, o hindi, nakikipaglaban; alipin man o hindi, nangingisda o nangangaso. Sa mga maliliit na banwa, ‘no. Ngayon iba, iba talaga.”

“Nakuha mo ba iyong litrato ni Minia?”

“Hindi, po, ako pinayagan. Paano n’yo po siya kilala?”

“Mahabang saysay ngunit papamahagi ko na din. Sa paghihilot, nagdadasal muna talaga ako, nawa’y sapat na itong pagalala ng kahapon. Higa ka dito sa papag, makikita mo na iyong nakakapagbigay sakit ay madalas siya ding tumutulong sa paghilom. Pero kapag binaklas na ang kawayan sa papag at pinalo ka, alis ka na’t ibang sakit na iyon,” sabay halakhak. “Tangalin mo iyang kamiseta mo’t mahiga ka dito.”

Lumabas si Apo ng bahay at nabigyan ako ng ilang sandaling pagmasidan ang munting bahay. Mga dingding ay bato, bubong na yero, sumisilong sa lapag na lupang kasing laki lamang ng dampang kawayan at pawid. Ang tanging ari-arian ay isang mahabang bangko, papag na kapwang higaan at hapagkainan, isang malaking plastik na lalagyanan, at maliit na altar sa ibabaw ng tabla at iilang aklat. Ang kawalan ng yaman sa dukhang loob ng bahay ay salungat sa yaman ng buhay sa kanyang bakuran. Ang bakuran na pinuno ng katutubo’t banyagang bulaklak at puno, silang nagbalik ng dalisay sa hanging dagat na ngayo’y lumalason sa malayong kapitbahay. Halimuyak na sumasalubong at nagbibigay silong sa mga ibong naglalakbay at naghahanap ng kapaligidang malinis.

Pagbalik niya ay may dala dala siyang ilang dahon, talutot, at ugat na hindi ko kilala. Sa kamay ay isang maliit na lusong na sinalinan ng langis ng buko at sa kung saan hinalo’t giniling ang dalang bahagi ng halaman. Pagpasok pa lamang ay ipinagpatuloy niya ang kanyang tugon.

“Ang lolo ko dati, tawag sa lola “Tala,” ‘no. Magpinsan kami ng lola mo kaya’t lolo’t lola mo sa sakong. Kaya, noon pa man, natutunan kong ipangalan iyong mga minamahal ko sa mga bituin, ‘no. Sa ganitong pamamaraan, kung kinakailangan kong tandaan o kausapin, tingin lang ako sa langit. Dati konti lang ang bahay na may kuryente, at konti lang din ang mga bahay dito, kaya sa gabi nakikita mo talaga lahaat ng bituin. Nakakatawa nga, noong batang bata pa ako, nahulog ako sa anim na magpipinsan kaya’t pinangalanan ko silang Molopolo, eh, ang Molopolo, pito nga ang tala, ‘di ba, kaya’t napilitan din akong mahulog sa isa sa mga nanay nila,” Ang sinabi’y sinabayan ng malakas na halakhak habang pinapahid ang ilang nakatakas na luha. Ako di’y napasabay sa tawa ng hindi alam kung ito’y dahil sa sinabi o dala sa lakas ng kanyang pagtawa.

“Kaya, iyon ang mga unang tala. Tapos, noong nasa high school naman ako, doon ko nakilala nga iyong unang pag-ibig ko. Maikli lang pagsasama namin, baka ilang lingo lang, pero lahat ng hinahanap ko noon, nasa kanya. Pero bata pa kami, bata ako, nawala din kaagad. Kisapmata nga, ‘ika. Madami ding sumunod pero hindi talaga ako nahulog, sa akin, parang bulalakaw. Sana may nakasama din silang ibang tumuring sa kanila bilang bituin. ‘Di mo din kasi masasabi gayong lahat tayo, iba iba ang pinaroroonan tapos lagi pang gumagalaw, lumilipat, kaya sana’y nakita nga ng iba iyong taglay nilang kinang na hindi tumawag sa akin, ‘no. Kaya, iyon ngang unang pag-ibig, pinangalanan kong Polaris, iyon ngang Hilagang Bituin. Maaaring ibang tao nga siya sa naaalala ko, maaaring nagkamali din ako sa pagkakakilala, pero ‘di bale. Dati, kahit ngayon, nanatili siyang gabay sa akin, paalalang kahit pihikan ako sa kasama, sa tamang paghihintay, dadating din.”

“May dalawa pang tala, ipagpaumanhin mo na lang ang hindi ko pagbahagi ng pagsasama namin dahil, gayong naging maayos at tapat naman ang pagmamahalan at pagsasama namin, gayong maayos din ang pagkakahiwalay, pagiibang landas, ‘di din natin matitiyak kung naging sanhi din ako sa hindi nasasabi o naaamin na sugat o sakit. At, tandaan mo, kahit nakalabas ang araw, nasa likod pa din niya ang mga bituin, kaya’t ‘di natin masasabi kung may nakikinig sa kanila at iyon ngang ayokong, kung sakaling, magdulot ng hindi natin alam na sakit.”

Matagal tumingala si Apo habang sinakamay ang banal na kuwintas na nakasabit sa leeg. Ang kuwintas ay kanya lamang sinusuot tuwing nanggagamot na may nakakabit na nakaukit na bungo sa buto ng baka, mga ngipin ng buwaya’t pating, at baybaying nakaukit sa mumunting hiwa ng kawayan; lahat ng ito’y nadinig ko lamang na ipinapaliwanag sa isa sa aking mga pinsan. Hindi ko masabi kung humihingi siya noon ng lakas o kalinga sa mga ninuno o anito. ‘Di alam kung humihingi ng tawad, aral, o alaala sa mga naiwang tala. Maaaring kapwa, hindi ko na itinanong. Madalian siyang tumayo at nagsalin ng asing dagat sa isang batya at dito hinugasan ang mga paa’t kamay habang tahimik na nagdadasal.

“Sasabihin ko sa’yo pangalan nila, o iyong bansag tala. Iyong pangalawa, iyong sumunod sa hilagang bituin, tawag ko’y Pulang Tala. At madami ding Pulang Tala sa kalawakan, ‘no, pero sa akin, iisa lang ang binigyan ng buong puso, ‘no. Madami din akong natutunan sa kanya, madaming natutunan kasama siya, pero, iyong pinakamahalaga, iyong hindi mo pagaari ang sino man o ano man. Ganoon din sa sarili mo, ‘no, walang maaaring o dapat na magari sa’yo. Pagsasalo lamang ito. Dapat, pahalagahan mo’t pasalamatan na lamang ang nabiyayang mga panahon na magkasama kayo, mga alaala, at ang mga aral na dulot nito.”

“At dapat, ganito ang pakikibagay at pagmamahal mo sa lahat, kahit sa mga hindi mo kahati puso. Gaya nitong papag, ang lubos na pagmamahal ay maaaring magbigay ligaya at siya ding maaaring magdala ng poot. Lalo na sa kapwa, dapat katamtaman lamang, sikapin mong huwag masakal ang iba, o ikaw, sa lubos na pagmamahal.”

Ng walang sabi, lumapit siya sa akin at sinimulang ikalat ang ginawang pamahid, pagikot ng mga madudulas na kamay sa paligid ng gulugod. Habang natutunaw ang sakit sa likod, habang lumuluwag ang pakiramdam sa binti’t bisig, inabot niya ang mga dahon ng guavang inani at pinunasan ang natirang langis sa pamamaraang unang ginamit.

“Eto namang huli, siya naman iyong Pangatlong Talon ng Usa. Madami din akong natutunan sa kanya pero iyong pinakamahalaga ay ang pagbukas niya sa aking puso para matanggap ang diwa. Isa sa mga paa ng Gat Oso, siya ang nagbigay saligan, ang nagturo sa aking muling galangin at mahalin ang lupa at ang mga kapatid nito, na lahat ay sila ding nagbibigay buhay at nagaalaga sa atin.”

Gamit ang napaos na tinig, “Apo, sino po sa kanila si Nanay Minia?”

“Pasensya na, apo, nakalimutan ko nga palang iyang pinaguusapan natin. Wala sa kanila.”

“Po?”

“Hayaan mo’t hindi pa ako tapos sa likod mo, at sa tenga, higa ka lang.”

Gamit ang hinlalaki ng kamay, madiin niyang tinanim ang mga mahahabang hilera ng butas sa buong likod. Mula batok hanggang balakang, tabi ng gulugod palabas sa pihit ng tadyang. Katawan ay umugoy na parang balangay, and mga bisig nagsisilbing batangan. At sa pag-ugoy, sa pagpikit ng mata, ang isip ay nahatok sa bangkang yapos ng dagat, akap ng mga tala. Pagpasok ng tinig, sa balangay aking nakatabi.

“Nakilala ko si Nanay Minia mo sa isa sa mga fiestang ginaganap sa karatig bayan taon taon…”

Ang kanyang pagsalaysay ay nawalan ng kumpas at napuno ng mahahabang katahimikan, katahimikang maaaring dulot din ng mga ibong nakikinig. Kanilang himig ay unti unting hinabi, nadama ko ang paginit ng kanyang mga kamay, liwanag ng ngiti. Inihambing siya sa munting baga sa pugad ng ibon, siya kalagitnaan ng daigdig at ang pugad, ang kalawakan. Ang kailangang pangangalaga sa paghinga sa paligid ng baga, bugang amihan at ang baga’y mapapawi, bugang habagat at ang buong kalawakan ay mapupundi. Baga na ipinamamahagi sa lahat ngunit walang nagaari, habang siya’y sumasayaw sa kalagitnaan, munting mahimbing na kislap ng diwa. Sa ibang panahon maaari siya’y naging babaylan, kaugnayan ni Bathala, tagamasid ng tadhana. Sa ibang panahon si Apo nama’y alipin o alabay, humahanga, sa malayo gumigiliw.

“Kaya’t hindi ko na siya linigawan. Nagpapasalamat lang akong nakilala ko siya. Mula noon, kailanma’y hindi siya nawala sa puso ko, sana ako ganoon ‘din. Ang totoo niyan, ang pangalang bigay sa akin ng simbahan ay Pablo, alam mo ba iyon? Pero, akala ng mga kaibigan ko’y patuloy tuloy akong mahuhulog at magbibigay bansag tala sa mamahalin, kaya’t ako naman binansagang Apo Oso para doon na nga lang daw ako kukuha ng pangalan, eh sa mga talang Oso nga nanggaling ang tatlo, ‘di ba. Pero, nang nakilala ko ang Nanay Minia mo, iyon na. Tanong ko sa sarili, ‘Bakit pa ako isa isang magbibigay ng bansag tala gayong nakilala ko na ang kalawakan?’”

Sabay natapos din ang hilot, dahan dahan akong bumangon.

“Salamat, Apo,” at wala na akong maidagdag na masabi. Aming ngiti at gaan namin noo’y magkatugma, aking katawan, kanyang puso. Marahil ay nakita niya ang buong pasasalamat na hindi ko masabi at sa mukha niya’y nakita ang tugon ng pagtanggap.

“Alam mo, hindi talaga natin laging nalalaman kung saan nanggagaling ang gamut ng panghihilot, ‘no. Hindi lang sa dasal. Minsan sa tawanan, minsan sa alaala, minsan sa pagsasalo ng saysay. Lahat ng ito’y nagtataglay ng diwa.”

....