Saturday, December 26, 2015

kabuuan (2013.10.xx)

Maykapal, patawarin kaming nakalimot sa ngalan
Muling dinggin aming tinig at panalangin
Sa pag-alala't pagtawag sa mga diwata, kami'y tulungan

Sa mga tala, namumugad sa kalawakan
Sa aming pakikiisa sa kapaligiran, gabayan
Na kami na kabilang ng marami, matandaan

Ang Ilaw, matagal nang natutulog sa kanluran
Muling bumangon at sumikat sa silangan
Nang kami'y muling mamulat sa kasarinlan

Liyab ng apoy, ngayo'y baga, napabayaan
Aming alay, pagkabuhay sa paghingang laman
Sa muling pagkagising, taglay na lakas, biyayaan

Tubig, ina ng dagat at ilog, tinatawagan
Sa pagbuhos ng ulan, dahan-dahan
Dalhin ang paghilom, sa kapwa, sa kalikasan

Kawayan, sinapupunan ng sining at kasaysayan
Kinakatawang balangay, kalinga sa daan
Kinakatawang barangay, sa pagbuo'y tibayan

Amihan, sa pagpapatulog sa habagat, tulungan
Bilang ibon, palayain sa ngayong kinakatawan
Puso at isip gawing pandiwang tanggapan

Bundok, pinag-isang apoy at lupa, kabilang
Sa muling pagtibok, ang abo, punlaan
Aming pagkatao'y muling maisilang

Binhi, taglay ay pagkakakilanlan
Aming tinitipon at pinangangalagaan
Nang ang bunga'y mai-ani ng kinabukasan




p/c Pi S-P

No comments:

Post a Comment